-- Advertisements --

Hindi umano inaasahan ni John Glenn Jacob na mag-Top 3 sa April 2024 Electrical Engineers Licensure Examination gayunpaman goal niya talaga umanong makapasok sa Top 10.

Si Jacob nga na tubong Sabang Danao City at graduate mula sa University of Cebu – Lapu-lapu & Mandaue campus ay nakakuha ng rating na 94.10.

Sa ekslusibong panayam ng Star Fm Cebu sa 22 anyos, kanyang sinabi na marami itong hamon na napagdaanan kabilang na dito ang kakulangan sa pera at ang kanyang mental state.

Wala pa umano siyang mapagtanungan tungkol sa review dahil wala rin itong kasamang mga kaklase at nakitira lang din sa kanyang ate.

Ibinahagi pa ni Jacob na mahina din ang koneksyon ng internet at lagi na lamang siyang umaasa sa data sa panahon ng pagre-review.

Dagdag pa ng binata na may mga panahon pa na hindi nito nasagutan ang mga tanong dahil walang data kaya nahirapan itong magsearch.

Sa ngayon, malabo naman umanong mangyari na magpalit siya ng career pero susuklian muna niya ang mga taong naging dahilan o nasa likod para makamit niya ang pagiging Top 3.

Payo naman nito sa mga estudyante na dapat pagbutihin at paglaanan ng oras ang pag-aaral at huwag mawalan ng tiwala sa Panginoon.