Inamin ngayon ng Top 3 ng 2023 September Licensure Exam for Professional Teachers na nakaramdam siya ng pressure habang naghihintay sa resulta ng board exam.
Ito’y kahit sinabihan siya ng kanyang ina na okay lang kahit hindi makapasa ay susuportahan pa rin ito sa anumang gusto niyang gawin.
Si Marichu Abregana na nagtapos sa Cebu Technological University Campus, kasama ang dalawang iba pa, ay nakakuha ng 94% na rating sa inilabas na resulta ng exam.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Abregana, sinabi nito na ang pamilya pa umano niya ang inspirasyon para maabot ang lahat ng mga pangarap sa buhay kaya malaki din ang pasasalamat niya sa mga ito na lagi siyang sinusuportahan sa anumang bagay.
Saad pa ng 23 anyos na dalaga na kabilang sa hamong kanyang kinakaharap habang pinaghandaan ang exam ay ang pinansyal at internet connection.
Ibinahagi pa nito na target na talaga niyang mapasali sa mga topnotchers dahil, aniya, hindi maipagkakaila na kapag kumuha ng exam, laging tinataasan ang pangarap dahil kung babagsak man ay may pupuntahan pa rin.
Dagdag pa nito, ang tagumpay ay hindi umano tungkol sa kung gaano katalino ang isang indibidwal kundi nakukuha ito sa pamamagitan ng sikap at tiyaga.
Pagbubunyag pa ng Cebuana na main goal niya umanong makapasok sa Department of Education pero sa ngayon ay magtatrabaho na muna ito at posibleng pagsabayin din umano niya ang pagkuha ng masteral.