Nais na agad na pabalikin ni Timor-Leste President José Ramos-Horta sa Pilipinas si dating Congressman Arnolfo Teves Jr. sa lalong madaling panahon.
Ito ang inihayag ni National Bureau of Investigation Director Medardo de Lomos kasunod ng kaniyang pakikipag pulong sa naturang Timorese leader matapos ang matagumpay na pagkakaaresto kay Teves.
Sa isang pahayag ay sinabi ng NBI na sa kanilang pakikipagpulong sa naturang presidente ng nasabing bansa na ipinaabot nito ang kaniyang kagustuhan na maresolba na sa lalong madaling panahon ang mga kasong kinakaharap ni Teves na nagbibigay-diin naman sa kahalagahan ng mabilis na deportation nito pabalik sa Pilipinas.
Ayon kay de Lemos, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan sa ngayon sa mga Dili authorities ang NBI para sa pagpoproseso ng deportation ng dating mamba batas sa kabila naman ng mga naging pahayag ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio na baka mga-extend pa raw ang pagpoproseso nito.
Samantala, bukod dito ay nagpahayag naman ng pasasalamat ang NBI sa mabilis na aksyon ng gobyerno ng Timor Leste sa pagtulong sa ating bansa na arestuhin si Teves na nagtatago sa kanilang bansa.
Magugunita na si Teves ay wanted sa kasong pamamaslang sa kaniyang karibal sa politika na si dating Negros Orriental Gov. Roel Degamo at iba pang mga indibidwal sa naturang lalawigan.