MANILA – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na miyembro ng teroristang grupo ang napatay na mga katutubo sa isang police-military operation sa Tapaz, Capiz noong December 30, 2020.
Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson B/Gen. Ildebrandi Usana, na dumaan sa masusing intelligence investigation ang naturang operasyon.
Kaagad daw nag-apply ng search warrant sa korte ang pulisya matapos sabihin ng ilang witness na may armadong teroristang grupo sa kanilan glugar.
Ayon sa tapagsalita ng PNP, maaaring nanlaban ang ilan sa mga napatay na indigenous people, dahil may ilan namang naaresto ng buhay.
“Meron pong hindi siguro sumang-ayon doon sa mga supposed na pagse-serve ng search warrant sa kanila. As a result, meron pong encounter at meron nga pong namatay po,” ani Usana sa DZBB.
Nitong Miyerkules, siyam na katutubo ang patay matapos maghain ng search warrants ang PNP sa mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Western Visayas.
May 17 naman na nadakip na mula rin sa nasabing munisipalidad, at bayan ng Calinog.
Una nang tinukoy ng grupong Pamangga na miyembro ng mga katutubong Tumandok ang napatay sa operasyon at hindi mga rebeldeng NPA.