Kinumpirma ng Malacañang ang naging direktiba nito sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng preliminary impact assessment sa posibleng pagkansela ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, aaralin ng DOJ ang mga protocol kaugnay sa proseso ng pag-abiso sa Estados Unidos hinggil sa balak ng gobyerno ng Pilipinas na pag-terminate sa VFA.
Ayon kay Sec. Panelo, naninindigan silang isang executive agreement ang VFA kaya hindi na kailangan ang concurrence o pag-apruba rito ng Senado.
Iginiit ni Sec. Panelo na malabong magbago pa ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil nagkapatung-patong na umano ang dahilan.
Kabilang daw ndito ang demand ng ilang US senators na palayain si Sen. Leila de Lima na “legally detained” umano at pinakahuli ang pagkansela ng US sa visa ni Sen. Bato dela Rosa na nanguna noon sa madugong anti-drug war ng administrasyon.