-- Advertisements --

Ipinag-utos na ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) bilang principal law agency ng gobyerno ang pagbuo ng isang panel para magsagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon korupsyon at anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Batay sa Memorandum ni Pangulong Duterte, kabilang sa gagawin ng panel ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng PhilHealth at pag-audit sa finances ng korporasyon.

Habang ginagawa ang imbestigasyon, maaaring magrekomenda ang panel kay Pangulong Duterte na magpatupad ng preventive suspension sa sino mang opisyal ng PhilHealth para matiyak ang walang sagabal na imbestigasyon.

Sa loob ng 30 araw matapos ang pagkabuo, inaatasan ang panel sa pamamagitan ng Secretary of Justice (SOJ) na magsumite ng kanilang findings at rekomendasyon kabilang na ang pagsasampa ng kaso sa mapapatunayang sangkot sa korupsyon at anomalya sa PhilHealth.

PHILHEALTH