-- Advertisements --

KABUL, Afghanistan — Nagpakita sa publiko sa unang pagkakataon mula noong 2016 ang supreme leader ng Taliban na si Haibatullah Akhundzada matapos itong humarap sa kanyang supporters sa southern city ng Kandahar.

Si Akhundzada ang nagsisilbing spiritual chief ng Islamist movement mula noong 2016 pero hindi ito halos nagpapakita, kahit pa noong makuha na ng Taliban ang kapangyarihan sa Afghanistan.

Dahil sa kanyang pagiging low profile, naging usap-usapan ang kanyang papel sa bagong Taliban government magmula nang makuha nila ang kontrol sa Kabul noong kalagitnaan ng buwan ng Agosto.

Bukod dito, laman din ng mga kuro-kuro kung siya ba ay buhay pa o patay na.

Pero para ipabatid na siya ay buhay pa, binisita ni Akhundzada ang Darul Uloom Hakimah madrassa para kausapin ang kanyang aniya’y matatapang na sundalo at disipolo.

“May God reward the oppressed people of Afghanistan who fought the infidels and the oppressors for 20 years,” batid ni Akhundzada sa lumabas na recording nito.

Sa 10-minutong recording ni Akhundzada, sinabihan niya ang kanyang mga panuhin na ipinagdarasal niya ang mga martyr ng Taliban, mga sugatang disipolo at ang tagumpay ng mga opisyal na nasa likod ng aniya’y “big test” sa pagbangon ng Islamic Emirate of Afghanistan.

“Let’s pray that we come out of this big test successfully. May Allah help us stay strong,” ani Akhundzada.

Nabatid na sobrang mahigpit ang seguridad sa event at wala ring lumutang mga litrato o video mula sa naturang pagtitipon. (Reuters)