Nanindigan si Taiwan President Lai Ching-te ba hindi nila isususko ang kahit isang pulgada o katiting ng bahagi ng kanilang teritoryo.
Nangangahulugan itong ipagtatanggol ng Taiwan ang bawat bahagi ng kanilang lupain, kasama ang mga maliliit na isla tulad ng Kinmen, Matsu, at Penghu.
Ginawa ng Taiwan President ang matapang na pahayag sa kaniyang pagbisita sa frontline island ng Kinmen kung saan nagbigay siya ng kaniyang talumpati sa harap ng war veterans upang alalahanin ang ika-68 na anibersaryo ng 1958 Artillery Battle nitong Agosto 23,
Binigyang-diin din ni Lai na ang kapayapaan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng lakas. Naniniwala si President Lai na hindi makukuha ang kapayapaan sa paghingi lang o sa pag-asa na hindi aatake ang China. Kailangang maging malakas ang militar ng Taiwan para matakot ang ibang bansa na sila ay sakupin.
Aniya, sa kabila ng masamang panahon nagtungo siya sa Kinmen upang ipahayag, sa ngalan ng buong bansa, ang kaniyang tapat na paggalang at pasasalamat sa mga bayani, na nagkaisa upang itaboy ang agresyon ng totalitaryang komunista at protektahan ang kanilang lupain.
Sa loob din aniya ng 68 taon, hindi itinigil ng China ang kanilang ambisyon na magpalawak ng teritoryo kahit isang araw. Ito aniya ang nagdadala ng ligalig sa buong rehiyon ng Indo-Pacific kayat ang tagumpay ng Taiwan noon ang humadlang sa ambisyon ng China na sakupin ang tinatawag na “first island chain.”
Inilahad din ni Lai ang kaniyang suporta sa planong pagpapataas ng badyet sa depensa ng Taiwan.
Bilang konteksto sa kaganapan noong Agosto 23, 1958, pinaulanan ng bomba ng China ang isla ng Kinmen. Ito ang simula ng “Ikalawang Krisis sa Taiwan Strait”. Lumaban ang Taiwan sa tulong ng Amerika hanggang sa matapos ang gulo na walang malinaw na nanalo.
Ang lokasyon ng Kinmen ay kritikal dahil napakalapit ng islang ito sa China, kulang sa dalawang kilometro ang layo mula sa baybayin ng China. Kaya naman napaka-sensitibo ng lugar na ito pagdating sa depensa ng Taiwan.
















