-- Advertisements --

Pinakikiusapan ng National Action Plan on COVID-19 ang mga locally stranded individuals (LSIs) sa Metro Manila na pauwi ng Western Visayas (Region 6) at Eastern Visayas (Region 8) na manatili muna sa kanilang kinalalagyan at maghintay ng mas matagal dahil suspendido na muna ang pagbiyahe ng LSIs simula kahapon, June 28.

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairman ng NAP COVID-19, inaprubahan nito ang dalawang linggong moratorium ng pagbabalik ng mga LSIs sa Negros Occidental at Iloilo, gayundin sa Eastern Visayas kasunod ng nakakaalarmang pagtaas ng COVID-19 cases sa mga nabanggit na lugar.

Ayon kay Sec. Lorenzana, partikular na pinagbabawalang tumanggap muna ng LSIs ang main ports ng Negros Occidental at Iloilo.

Inihayag ni Sec. Lorenzana na hiniling mismo ng mga local chief executives ng dalawang rehiyon ang suspensyon ng pagbibiyahe ng mga LSIs at mga local government units (LGUs) mismo sa Western at Eastern Visayas ang tumatangging tumanggap muna ng mga nagbabalik na kababayan dahil sa pangambang pagtaas pa ng COVID-19 cases sa kanilang lugar.

Kaya pinapayuhan umano nila ang LSIs na pauwing Western at Eastern Visayas na manatili sa kinaroroonan at huwag munang pumunta ng airports at seaports para maiwasang magsiksikan at magkahawaan pa ng virus kung may carrier sa kanila.