-- Advertisements --
Bantag

Hihintayin na lamang daw ng kampo ng suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag ang kasong isasampa laban sa kanya kaugnay ng sinasabing pagsaksak nito sa dalawang inmate ng New Bilibid Prison (NBP) noong ito ay lasing.

Pero sinabi ng abogado ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na mariin umanong itinanggi ni Bantag ang naturang mga paratang.

Una rito, sinabi ng mga gang commanders na sina Ronald Usman at Jonathan Cañeta na pinag-iisipan ng mga ito kung maghahain sila ng reklamo laban kay Bantag dahil sa nasabing insidente.

Sinabi ng mga inmate na noong Pebrero 1 ay ipinatawag daw sila ni Bantag sa kanyang opisina.

Nang dumating daw ang mga ito sa opisina ni Bantag ay napansin nilang nakikipag-inuman si Bantag sa dalawang iba pang commanders at sila ay lasing na.

Sinabi ni Cañeta na sinundot daw ni Bantag ang kanyang dibdib gamit ang matulis na bagay.

Pinigilan naman daw ni Cañeta si Bantag pero sinaksak siya sa binti.

Sinabi rin ni Usman na sinaksak ito sa kamay.

Noong Miyerkules ay natanggap na raw ni Catapang ang affidavit ng dalawang inmate at posibleng maghahain sila ng reklamong physical injury.

Una rito, inakusahan ni Bureau of Corrections officer-in-charge Gregorio Catapang Jr na nagbulsa si Bantag ng nasa P300 million sa hindi natapos na proyekto sa loob ng pambansang piitan.

Pero mariin din itong itinanggi ni Atty. Balisong.