-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Napatay ng pinagsanib na pwersa ng Lambayong PNP, Sultan Kudarat Police Mobile Force Company at 22nd Mechanized Company ng militar ang isang drug suspect na suspek din sa grenade throwing sa isang birthday party sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Sa impormasyong ipinaabot ng Lambayong PNP sa pangunguna ni Police Lieutenant Gino Fegarido, hepe ng Lambayong PNP na nagsagawa sila ng operasyon upang hulihin ang Most wanted sa iligal na droga sa nasabing bayan nasi Reymond Ibad na siya ring nasa likod ng pagpapasabog ng granada sa isang Birthday party sa Brgy. Palumbi sa nasabing bayan na ikinasugat ng 24 katao at ikinamatay ng isa.

Napag-alaman na naganap ang operasyon habang namamasada si Ibad kung saan nagtangka pa umano itong tumakas habang angkas ang dalawang katao sakay sa minamanehong habal-habal.

Nakipagbarilan pa ang suspek kung saan tinamaan ito sa ilang bahagi ng kaniyang katawan na naging dahilan ng pagkahulog nito sa dike sa bahagi ng Allah River.

Nailigtas naman ang dalawang katao na unang inakalang kasabwat nito ngunit nakumpirmang mga inosenteng sibilyan at mga pasahero lang pala ng suspek.