-- Advertisements --

Patay ang isang drug suspect na kinilalang si alias “Sadly”, habang apat na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sugatan sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Antonio, Parañaque City noong Miyerkules, Abril 9.

Ayon sa PDEA, dakong alas-5 ng hapon nang maganap ang operasyon, kung saan nadakip din ang mga kasamahan ni Sadly na sina alias “Lala,” “Allan,” at “Binny.”

Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang mga sugatang PDEA agents.

Nakumpiska sa operasyon ang 4.2 kilo ng shabu na nasa apat na plastic bag, sasakyan, cellphones, buy-bust money, mga ID, drug paraphernalia, isang baril, mga bala, at ilang dokumento.

Ang operasyon ay pinangunahan ng PDEA Regional Office-National Capital Region katuwang ang Parañaque City Police Station.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nabanggit na suspek.

Top