-- Advertisements --

Malakas pa rin ang suporta sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte maging sa mga mambabatas mula sa Mindanao at Visayas na kilalang balwarte ng pamilya Duterte.

Ito ang inihayag ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.

Ayon kay Ridon, na siya ring tagapangulo ng House Committee on Public Accounts, ang malaking bilang ng boto sa Kamara ay nagpapatunay na ang suporta sa impeachment ay nagmumula sa iba’t ibang partidong pampolitika, rehiyon, at alyansa.

Nasa 257 na mga mambabatas ang bumoto pabor sa pag-apruba ng Articles of Impeachment laban kay VP Duterte.

“‘Yun pong 257 ay 80% ng kabuuan po ng Kamara. So overwhelming po ‘yung boto to impeach the Vice President,” wika ni Ridon.

Batay sa opisyal na talaan ng Kamara, sa Visayas – 43 sa 50 mambabatas ang bumoto pabor sa impeachment. Mindanao: 41 sa 61 kongresista ang sumang-ayon din. Luzon: 125 sa 142 na kinatawan ang nagpakita ng suporta.

Dahil dito, ayon sa Kongresista, napasinungalingan ang mga paratang na ang impeachment ay bunsod lamang ng interes ng Luzon o ng tinaguriang “Imperial Manila.

Inireklamo si VP Sara dahil sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, tagong kayamanan, panunuhol, at mga banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Itinatwa naman ng Pangalawang Pangulo ang mga akusasyon at sinabing walang basehan at pamumulitika lamang ito.

Naisumite na ang Articles of Impeachment sa Senado na inaasahang magbubukas bilang isang Impeachment Court ngayong Lunes, Mayo 18, ayon sa pangako ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Sinabi ni Ridon na dadalo ang buong 11-member House prosecution panel sa pagbubukas nito sa ganap na alas-tres ng hapon para sa pormal na pagsisimula ng paglilitis.