-- Advertisements --

Patuloy na mino-monitor ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Super Typhoon Bavi, na nananatiling nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang alas-5:00 ng umaga nitong Lunes.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 2,355 kilometro silangan ng Southern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 215 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 265 kilometro kada oras, habang kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Inaasahan ng state weather bureau na papasok ang bagyo sa loob ng PAR sa Miyerkules ng madaling araw, kung saan tatawagin itong bagyong Inday.

Samantala, sinabi ng weather bureau na ang ridge ng high pressure area na nakaapekto sa pinakahilagang bahagi ng Luzon ang magdadala ng karamihang maaliwalas at tuyong panahon sa bansa ngayong araw.

Gayunpaman, maaari pa ring makaranas ng mga pulu-pulong pag-ulan at thunderstorms dahil sa matinding init ng panahon.

Makakaranas ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.

Nagbabala rin ang PAGASA sa publiko na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na maaaring makaranas ng malalakas na thunderstorm.