-- Advertisements --

Ipinunto ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang magiging susunod na Pangulo ng Pilipinas ay dapat na patuloy na titindig at ipaglalaban ang West Philippine Sea.

Sa pulong balitaan ngayong Sabado, Hunyo 7, inihayag ni Comm. Tarriela na dapat mas mapataas pa ang kamalayan ng publiko para siguraduhin na ang mananalong Pangulo sa 2028 elections ay hindi isasantabi ang laban sa WPS at “sasabihing wala itong kinalaman sa sikmura ng Pilipino, na magkakagiyera at mangangakong magje-jetski”.

Saad pa ng opisyal na dapat tiyaking ang mananalong presidente ay ipagpapatuloy ang nasimulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kung maaalala nga, inihayag noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang kampaniya noong 2016 presidential elections na sasakay siya ng jetski papuntang WPS at sasabihin sa mga Tsino na ito ay paga-ari ng Pilipinas.

Subalit kalaunan ay binawi ito ng dating pangulo at sinabing biro lamang ang tinuran niya sa kaniyang kampaniya.

Samantala, ipinunto ni Comm. Tarriela na ang pagdepensa sa maritime sovereignty ng bansa sa WPS ay isang shared responsibility ng mga Pilipino.

Naniniwala naman si Tarriela na mayroon ng magandang bunga ang transparency efforts ng National Task Force for the WPS (NTF-WPS) mula ng simulan ito noong 2023 na layuning mapataas pa ang kamalayan ng mga Pilipino sa isyu sa WPS.