-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pinangunahan ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division Acting Commander, Major General Roberto Capulong ang pagbibigay ng parangal sa isang sugatang opisyal ng Kampilan sa Camp Siongco Station Hospital, 6ID Headquarters Barangay Awang Datu Odin Sinsuat Maguindanao.

Isang medalya ang iginawad kay 1st Lieutenant Jomar C Binay-an (Inf) PA, executive officer ng Bravo Company sa ilalim ng 7th Infantry (Tapat) Battalion na nasugatan sa engkwentro laban sa mahigit o kulang sampung (10) komunistang teroristang grupo habang nagsasagawa ng isang combat clearing operation sa Barangay Baluan Palimbang, Sultan Kudarat.

Bukod sa medalya, nagbigay din ng cash assistance, groceries, at fruit basket ang Division Acting Commander kasama si Colonel Edgar L Catu, Chief of Staff kay 1Lt Binay-an.

Sinabi ni MGen Capulong na ito ay bilang pagkilala sa sugatang sundalo sa kanyang kabayanihan sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang buhay sa panganib habang tinutugis ang mga teroristang grupo sa bukirin ng bayan ng Palimbang.

Dagdag ni Capulong habang iginawad ang parangal siya ay natutuwa sa katapangan ng batang opisyal na ito at ipinagmamalaki ang kanyang walang pag-iimbot na paglilingkod sa pagpapanatili ng kapayapaan sa ating mga kababayan.