-- Advertisements --

Pumalag si Sen. Panfilo Lacson sa pahayag ni Lt. Gen. Antonio Parlade na “stupid” kung babawiin ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Lacson na kailanman ay hindi doctrinal sa mga active members ng defense sector ng bansa ang “arrogance” at “idiocy” ng mga miyembro nito.

Nauna nang sinabi ni Parlade na “stupid” ang mga senador dahil nais nilang tanggalan nang pondo ang NTF-ELCAC, kabilang na ang P16-billion barangay development program para sa construction ng mga tulay at farm-to-market roads, at kabuhaya.

Ayon kay Parlade, “unfair” ang sinasabi ng mga senador laban sa kanilang ahensya, kung saan siya ay tumatayo bilang tagapagsalita.

Maaring hindi lamang aniya naiintindihan din ng mga senador ang batas na pinirmahan ng mga ito patungkol sa pondo ng NTF-ELCAC.

Alam naman aniya ng mga mambabatas na hindi papunta sa NTF-ELCAC ang pondo mismo ng ahensya, at hindi rin ginagamit sa red-tagging, sa intelligence, at profiling.

Magugunitang nagsimula ang palitan ng mga maanghang na salita na ito sa pagitan nina Parlade at ilang mga senador matapos na sabihin ni Parlade na kailangan maging maingat ang lahat dahil ilang mga grupo ang nag-exploit sa sitwasyon para makapag-elicit ng galit laban sa pamahalaan.