-- Advertisements --

Pinatitiyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr kay Speaker Martin Romualdez na mabigyan ng karampatang tulong ang mga pamilya ng mga sundalong nasawi at nasugatan sa nangyaring enkwentro sa Lanao del Sur.

Dahil sa utos ni Pangulong Marcos Jr., naghatid ng tulong si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamilya ng anim na sundalong nasawi at anim na iba pang nasugatan sa pakikipaglaban sa teroristang Dawlah Islamiyah-Maute group noong Pebrero 18.

Ayon kay Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo mahigit P4.14 milyong halaga ng cash, education, at livelihood assistance mula sa personal calamity at emergency fund ni Speaker Romualdez ang ibinigay sa 12 sundalo.

Bukod dito, sinabi ni Tulfo na magbibigay din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), at Commission on Higher Education (CHED) ng livelihood at educational assistance sa mga biktima at kanilang dependent.

Nauna rito, sinabi ni Speaker Romualdez na inatasan siya ni Pangulong Marcos na tulungan ang pamilya nina Corporal Rey Anthony Salvador, Corporal Reland Tapinit, Corporal Rodel Mobida, PFC Arnel Tornito, Pvt Micharl John Lumingkit, at Pvt James Porras na nasawi sa pakikipagbakbakan sa mga terorista.

Pinatutulungan din ang mga sugatang sundalo na sina Corporal Jaymark Remotigue, Corporal Ernil Quiñones, Corporal Rey Mark Limare, PFC Marvien Aguipo, Pvt Amiril Sakinal at Pvt Nazareno Provido.

Sinabi ni Tulfo na ang pamilya ng mga nasawing sundalo ay binigyan ng hindi bababa sa P400,000 tulong P300,000 cash assistance, P30,000 educational aid sa bawat anak, at P100,000 na livelihood assistance.

Sina Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug at Zamboanga City Rep. Khymer Adan Olaso ang nagbigay ng tulong sa pamilya nina Porras, at Salvador.

Si Zamboanga del Sur 1st District Rep. Divina Grace C. Yu naman ang nagpaabot ng tulong kina Lumingkit at Tornito.

Sina Yu at Zamboanga del Sur 2nd District Rep. Jeyzel Victoria C. Yu naman ang nag-abot ng tulong sa pamilya Mobida.

Si Lanao del Norte 2nd District Rep. Sittie Aminah Q. Dimaporo naman ang nagbigay ng tulong sa pamilya ni Tapinit.
Ang anim na sundalong sugatan naman ay nakatanggap ng P150,000 cash aid, P30,000 educational aid sa bawat anak, at P100,000 livelihood assistance.

Si Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan ang nag-abot ng tulong.

Sinabi naman ni Speaker Romualdez na ang mga hakbang na ito ay patunay sa pasasalamat at pangako ng bansa sa kagalingan ng ating mga tauhan ng militar at ng kanilang mga pamilya. Kinikilala din ng gobyerno ang malalim na sakripisyo ng mga sundalo para tiyakin ang kaligtasan at kalayaan ng bansa kaya nararapat lamang na suportahan sila at ang kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng pangangailangan.

Dagdag pa ni Speaker nananatiling matatag ang pamahalaan sa pagtulong sa mga tropa at sa kanilang mga pamilya.