-- Advertisements --

Patuloy ang ginagawang “active contac tracing” ng Department of Health (DOH) para matukoy ang iba pang posibleng Lambda coronavirus variant cases sa bansa at para na rin matukoy ang source nito.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kukuha sila ng iba pang mga samples sa iba’t ibang lugar para makita kung mayroong iba pang nagkaroon ng kahalintulad na variant.

Noong weekend lang, inanunsyo ng DOH ang kauna-unahang Lambda variant case sa Pilipinas, na isang 35-anyos na babae.

Kalaunan, natukoy na ang naturang pasyente ay buntis, residente ng Valladolid, Negros Occidental, at walang travel history.

Hindi naman itinatanggi sa ngayon ni Vergeire na posible talaga na mayroon na ring ibang Lambda coronavirus variant cases sa iba pang panig ng bansa.

Samantala, sinabi ni Vergeire na ang kanyna-unahang Lambda case sa Pilipinas, pati na rin ang sanggol nito, ay nasa maayos nang kondisyon.

Magugunita na Hunyo 14 nang ikinonsidera ng World Health Organization ang Lambda variant bilang variant of interest.