-- Advertisements --

Pinatuturuan ng leksyon ni Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa Department of Education (DepEd) ang gurong nag-body shame sa aktres na si Angel Locsin.

Dapat aniyang mabigyan ng nararapat na parusa ang gurong ito dahil sa “serious display of ignorance” at “grievous negligence” na ginawa nito.

Iginiit ni Ong na nakasalalay ang kredibilidad ng teaching profession sa Pilipinas.

Sinabi ng kongresista na kasabay nang pagtuturo sa iba’t ibang asignatura ay dapat na ginagabayan din ang mga estudyante sa tamang asal at wastong pag-uugali.

Pinaalalahanan naman din nito ang mga guro hinggil sa ipinasang batas ng Kongreso patungkol sa pagbabawal ng bullying sa paaralan.

Ayon kay Ong, dapat unawain din ng mga guro ang nilalaman ng batas na ito.