-- Advertisements --

Matapos ang masusing pagsasaalang-alang at pagsusuri, nagdeklara na ng state of calamity ang Siquijor dahil sa power crisis na nakagambala sa mga lifeline services.

Kabilang na dito sa lubhang naapektuhan sa power crisis ay ang water-system, telekomunikasyon, Negosyo, kalusugan, online jobs at edukasyon.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Siquijor Board Member Brylle Deeiah Tumarong-Quio, sinabi nitong noong Hunyo 3 pa umano ito naideklara, ngunit nagkaroon pa ng problema kahapon sa resolusyon dahil sa paghihintay sa pirma ng presiding officer na nakabiyahe.

Posible pa aniyang magdulot ito ng pagkaantala sa aksyon ng local na pamahalaan, gayunpaman, may ikinokonsidera na umano silang paraan para maiwasan ang pagkadelay dahil ito pa ay isang ’emergency situation.’

Inilarawan naman ng opisyal ang taong ito na ‘worst-year’ para sa lalawigan dahil sa palalang sitwasyon na nangyayari kung saan sa loob ng isang araw ay hindi bababa sa 4 na serye ng pagkawala ng kuryente ang nararasan na tatagal sa loob ng 4 hanggang sa 5 oras.

“In a day, they have series of brownout around 3am to 9:30 am tapos may kuryente na naman 10-10:30am, tapos blackout na naman 1-5pm. And then brownout na naman 8pm-12mn,” ani BM Deeiah.

Maswerte na aniya kapag may 2-3 oras na may kuryente.

Saad pa nito, ito ang unang pagkakataon na nagdeklara ng state of calamity ang Siquijor dahil sa power crisis kung saan hindi lang electricity ang naapektuhan kundi ang buong komunidad, tourism related establishments, at mga Siquijodnon na may online job.

Nagrereklamo na rin umano ang mga Siquijodnon sa tumataas na bayarin ng kuryente sa kabila ng hindi maayos na serbisyo ng Siquijor Power Corporation.

Sinabi pa ni Board Member Deeiah na sa ngayon ay mayroon na umano silang long term at short term plan para matugunan ang naturang power crisis ng lalawigan kabilang na ang pagprocure ng 2 megawatts genset mula sa Palawan Electric Cooperative at karagdagang 2 megawatts na i-procure o uupahan ng lalawigan at ang competitive selection process.