-- Advertisements --

Sa halip na kaawaan, pinatutsadahan ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sina PNP chief Gen. Debold Sinas at presidential spokesperson Harry Roque matapos itong magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Zarate, si Sinas ang tunay na “epitome” ng impunity dahil sa kontrobersyal na ‘mananita’ party noong nakaraang taon sa kasagsagan ng enhanced community quarantine ay kamakailan lang hindi naman ito sumailalim sa required health screeneing at protocol nang pumunta ito sa Mindoro.

Maari aniyang marami nang nahawaan si Sinas pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito napapanagot dahil sa kanyang kapabayaan, na naglagay sa peligro nang buhay ng publiko.

Si Roque naman aniya ang pinakamagandang halimbawa ng “pasaway” dahil sa pagbisita nito sa maraming lugar sa bansa, na tila ba hinahamon ang novel coronavirus na tamaan siya.

Sinabi ni Zarate na si Roque ay nakisalamuha sa mga lumba-lumba, paglarga na walang mask o face shield at pagpunta sa mga piyesta sa gitna ng pandemya.

Nang malaman pa aniya ni Roque na siya ay positibo sa COVID-19 ay nagpunta pa rin ito sa kanyang opisina sa kabila na umuwi na lamang kaagad at mag-isolate.

Hindi naman aniya tama na palaging sinisisi ang mga mahihirap sa pagisirit ng mga kaso samantala na ang mga mayayaman lang din talaga ang isa rin sa mga pasaway.

Isang taon na aniya ang lockdown ngayong araw pero palpak pa rin ang militaristang pagsugpo ng pamahalaan sa pandemya.