CEBU CITY – Usap-usapan sa Cebu ang pag-iyak umano ng dugo ng Birheng Maria o Lady of Lindogon ng tinaguriang Simala Shrine sa Sibonga, Southern Cebu.
Kumalat kasi ang larawan ng nasabing imahe sa social media na nangyari raw noong Setyembre 6 o dalawang araw bago ang feast of the nativity of the Virgin Mary na ipinagdiriwang ngayong araw.
Ayon naman sa Catholic leader at Marian devotee na si Dr. Rene Josef Bullecer, mayroong senyales ang pag-iyak ng Birheng Maria kasabay ng birthday nito ngayong September 8.
Sa katunayan, hindi aniya ito ang unang pagkakataon na umiyak ng dugo ang imahe- una ay noong 1998 kaya dinayo ng maraming tao.
Kahit “skeptic” o may pag-aalinlangan pa rin ang Simbahang Katoliko sa nangyari, naniniwala si Bullecer na mayroong mensahe ang pag-iyak ng birhen.
Samantala, nagsasagawa na rin ang Archdiocese of Cebu ng imbestigasyon sa isyu na itinuturing ngayon ng karamihan na isang milagro.