
Pinirmahan na nina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel Zubiri ang dalawang enrolled bills ang SIM Registration ACT at ang Barangay and SK Elections Postponement Act sa isang simpleng seremonya na ginanap kaninang umaga sa Manila Golf Club dito sa Makati City.
Sa isang pahayag sinabi ni Speaker Romualdez na siya ay nagagalak na makasama si Senate President Migz Zubiri sa ceremonial signing sa dalawang enrolled bills.
Si Romualdez ang principal author sa House version ng SIM Registration Act (HB No. 14) na inaprubahan sa final reading nuong September 19.
Personal na tinunghayan ng mga mambabatas ang nasabing seremonya na kinabibilangan nina House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Reps. Toby Tiangco, Marjorie Ann Teodoro, at Juliet Marie Ferrer, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito, Sens. Imee Marcos at Grace Poe.
Matapos pirmahan nina Romualdez at Zubiri ang nasabing enrolled bills ay kanila na itong tinurned-over kay Presidential Legislative Liaison Office Secretary Mark Llandro Mendoza na siyang magsusuimite sa dokumento kay Pang. Marcos Jr.
Asahan na sa mga susunod na linggo ay makarating na ito sa Palasyo at mapirmahan na ng Pangulo.
Binalaan naman ni Romualdez ang mga text scammers na itigil na ang kanilang mga illegal activities dahil sila ay mahuhuli at mananagot sa batas.
Pinasalamatan naman ni Romualdez ang mga kasamahang mambabatas sa mataas at mababang kapulungan kaugnay sa matagumpay na pagpasa sa naturang mga panukala.
Umaasa si Speaker na mauulit muli ang ganitong mga kaganapan na nagpapakita ng maigting na pagtutulungan ng senado at kamara sa pagpasa ng mahalagang mga panukalang batas.









