Nasa kabuuang 3,541 show cause order na ang inisyu ng Commission on Elections laban sa mga kandidato sa Barangay at SK elections sa Oktubre 30, 2023.
Batay sa data na ibinigay ni Comelec Chairman George Garcia, nasa 529 mula sa mahigit 3,000 kandidato ang tumugon na sa show cause orders ng poll body as of September 29.
Base naman sa inisyal na assessment ng poll body, target ng komisyon na makapaghain ng disqualification petitions laban sa 211 kandidato habang 22 reklamo naman ang naibasura na.
Nitong Biyernes, nakapaghain na ang Task force Anti-Epal ng Comelec ng mga petisyon para sa diskwalipikasyon cases laban sa 35 kandidato ng BSKE.
Sa naturang bilang, isa ang tumatakbo bilang barangay chairman, 4 ang kandidato para sa SK chairman, 9 para sa posisyon ng barangay kagawad at 21 tumatakbo para sa SK kagawad.