Inihayag ng mga tagapagsalita ng House prosecution panel na sina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Atty. Benjamin Tolosa Jr. na maaaring magsilbing mahalagang saksi sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang dating Davao City court sheriff na si Abe Andres upang ipakita ang umano’y behavioral pattern o tendensiya ng Bise Presidente na gumamit ng karahasan.
Ayon kay Tolosa, pinapayagan ng mga tuntunin sa ebidensiya ang paghaharap ng mga saksi na maaaring magpatunay ng behavioral pattern o propensity ng isang tao na resort sa karahasan.
Gayunman, tumanggi siyang isiwalat ang buong estratehiya ng prosekusyon at ang partikular na dahilan ng pagpapatawag kay Andres bilang saksi.
Si Andres ang court sheriff na iniulat na sinuntok ni noon ay Davao City Mayor Sara Duterte sa isang insidente ng demolisyon noong 2011.










