-- Advertisements --

Mahabang oras ang kailangan na igugugol ng mga senior citizens sa pagboto para sa halalan sa susunod na taon sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL).

Sa pagdinig ng House committee on suffrage and electoral reforms, sinabi ni Paolo Maligaya ng NAMFREL na base sa isinagawang simulation process natukoy na 44 minuto ang posibleng igugugol ng bawat senior citizens kapag sila ay boboto sa umaga.

Pero kapag sa hapon naman, sinabi ni Maligaya na aabutin ng naman ng nasa 9.5 minuto ang mga bobotong senior citizens.

Ang mga nakatatanda, kasama na ang mga persons with disabilities, ay boboto sa designated Emergency Accessible Polling Places (EAPP).

Para mapabilis ang oras nang pagboto ng mga vulnerable sectors sa EAPP, inirekomenda naman ng LENTE sa Comelec na magpadala ng karagdagang support staff.

Kapag tatagal kasi aniya sa loob ng EAPP ang mga senior citizens at PWDs ay mas tumataas ang peligro na magkaroon sila ng exposure sa COVID-19.