Todo ang paghikayat ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang publiko na makiisa sa pagtatanim ng puno para mailigtas ang mga kagubatan sa bansa.
Giit ni Revilla, kung maibabalik sa dati ang malagong kagubatan at mas makakapagtanim rin sa mga lungsod, ay mababawasan ang panganib na dulot ng bagyo, baha, at iba pa.
Ayon sa senador, dapat pangunahan ng Department of Environment and Natural Resource (DENR) ang pagpapatupad ng greening program ng pamahalaan, na hindi lang tututok sa pagtatanim bagkus ay magtitiyak rin na mabubuhay ang mga itinanim at magiging puno.
Kaugnay nito ay inihain ni Revilla ang Senate Bill 1538 na naglalayong imandato ang lahat ng graduating elementary, high school, at college students sa mga pampubiko o pribadong paaralan na magtanim ng 10 puno bawat isa bilang prerequisite sa graduation.
Nakapaloob din sa naturang panukala na ang itatanim na puno ay dapat sa: forestlands, mangrove forests, protected areas, ancestral domains, civil at military reservations, urban areas na nasa ilalim ng greening plan ng local government units (LGUs), inactive at abandoned mine sites, at ibang pang angkop na lugar.