Hinimok ngayon ng ilang senador ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mag-offer sa mga indigent kidney patients ng mas maraming dialysis treatments.
Kung maalala, noong buwan ng Hulyo, tinaasan na ng PhilHealth ang kanilang coverage para sa mga outpatient hemodialysis mula 90 sa maximum na 144 sessions hanggang December 31 para sa mga members at kanilang mga dependents na mayroong chronic kidney disease stage 5 at sa mga rehistrado sa PhilHealth Dialysis Database.
Ang ika-91 hanggang sa ika-144 namang sessions ay eksklusibo namang gagamitin para lamang sa outpatient dialysis at ang ano mang hindi nagamit sa sesyon ay hindi na raw puwedeng gamitin sa 2023.
Pero ayon kay Senator Imee Marcos, dahil sa dami ng mga Pinoy na mayroong kidney disease ay marami rin sa kanilang ang hindi kayang magpagamot.
Sa mga public hospitals naman umano at sa National Kidney and Transplant Institute kung saan mas mura ang dialysis ay mahaba naman ang pila.
Base sa record mula sa Philippine Statistics Authority as of May, ang kidney-related diseases ay isa sa top 10 leading causes of death sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Marcos na maghahain ito ng bill para sa fixed 180 dialysis sessions para sa mga indigents.
Ibig daw nitong sabihin na ang extra savings para sa mga indigent patients kasama na ang benepisyo mula sa PhilHealth na mapapababa ang average P3,500 na bayad ng dialysis kada session.
Una rito, naghain na rin si Senator Christopher “Bong” Go ng measure na nagmamandato sa PhilHealth para makapag-provide ng free dialysis sa lahat ng kanilang mga miyembro.
Ang proposed Free Dialysis Act of 2022 ay nagbibigay ng direktiba sa PhilHealth sa pamamagitan ng consultation sa Health Technology Assessment Council na mag-develop ng comprehensive dialysis benefit package na siyang magko-cover sa lahat ng bayad sa hemodialysis at peritoneal dialysis treatments, sessions at procedures sa mga PhilHealth accredited-health facilities.
Muli ring umapela si Senator Risa Hontiveros sa PhilHealth na patuloy na magbigay ng libreng dialysis sessions.
Aniya, bawat pasyente raw ay nangangailangan ng 156 dialysis para sa complete treatment sa loob ng isang taon at P12,000 weekly expenses.
Hinimok din nito ang Department of Health (DoH) na paigtingin ang health promotion at disease prevention kabilang na ang early detection ng possible renal problems sa mga bata.
Itinutulak naman ni Senator Joel Villanueva ang establishment ng dialysis centers sa national, provincial, at regional hospitals para siguruhin na ang lahat ng mga pasyente ay madali lamang makapagpagamot nang hindi na bumibiyahe ng malayo.
Parehong panukalang batas din ang inihain ni Senator JV Ejercito na nagre-require sa lahat ng regional at provincial government hospitals na mag-establish, operate at magmintina ng dialysis ward o unit at magbigay ng libreng dialysis treatment sa mga indigent patients.