Dinalaw ni Senator Robin Padilla ngayong Huwebes si Senator Rodante Marcoleta sa Philippine National Police General Hospital.
Kasalukuyang sumasailalim si Marcoleta sa mga laboratory test sa naturang pagamutan upang matukoy kung maayos ang kaniyang pisikal na pangangatawan bago tuluyang ilipat sa isang pasilidad ng kulungan.
Dumating si Padilla pasado alas-dos ng hapon. Pinapayagan lamang ang mga bisita sa ospital ng PNP hanggang alas-tres ng hapon.
Samantala, lumabas sa pinakahuling laboratory test ni Marcoleta na mataas ang lebel ng kaniyang bad cholesterol.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Benaly Bayani, Internal Medicine Department chief ng ospital, mas makabubuting ibukod si Marcoleta mula sa ibang mga pasyente dahil ginagamot din ito dahil sa mild pneumonia.
Inihayag din ni Bayani na inaantay pa ang resulta ng 2D echo test ni Marcoleta na magpapakita sa kondisyon ng kaniyang puso.
Bukod sa mild pneumonia, na-diagnose din ang senador na may problema sa kaniyang cervical spine o gulugod.
Kasalukuyang nahaharap si Marcoleta sa kasong plunder na nagkakahalaga ng P75 milyon dahil sa umano’y hindi idineklarang mga donasyon sa kaniyang kampaniya noong 2025 elections.















