-- Advertisements --

Tinukoy ni Vice President Leni Robredo na si Senator Risa Hontiveros ang dapat maging sunod na lider ng oposisyon.

Ginawa ng pangalawang pangulo ang pahayag matapos na manumpa sa kanya si Hontiveros sa kanyang tanggapan sa Quezon City.

Ayon kay Robredo, lumalabas kasi na ang senadora na ngayon ang highest elected official na nagmula sa oposisyon.

Aniya, dapat lamang daw na ang senadora rin ang humahawak na ng kanilang bandila bilang lider mula sa oposisyon.

Kasabay nito ang pangako din ng outgoing vice president na nasa likod lamang daw sila at susuporta sa mga laban ng mambabatas.

Sinasabing kabilang din daw ang senadora na nagtangkang kumilos noong bago ang halalan na magkaroon ng united opposition pero nabigo siya dahil hindi natuloy ang pagsasama-sama ng ilang natalong presidentiables.

“Sabi ko kay Senator Risa, “ikaw na ‘yung lider namin. Kaya please know na nasa likod mo lang kami. Nasa likod mo lang kami, tutulong kung kailan mo kami kailangan.” Uulitin ko ‘yun ngayon, Sen. Risa, na you are now the highest elected official sa oposisyon and lahat kami masaya na ikaw ‘yung natitirang humahawak ng ating bandila,” ani VP Leni.

Kung maalala si Hontiveros ay dati na ring nagong partylist congresswoman bago nabigyan ng una at ngayon ay ikalawang termino sa pagkasenador.