Sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Spokesperson Asec. Aboy Paraiso na maaaring may pananagutan sa batas ang nagpapakalat ng deepfake videos, alinsunod sa Anti-Cybercrime Prevention Act.
Kabilang na rito si Sen. Ronald dela Rosa na una nang nagbahagi ng video ng bata na nagsasalita ukol sa pagtutol sa impeachment na kalaunan ay napatunayang AI generated lamang ito.
Ayon kay Paraiso, pasok ang pagpapakalat ng naturang video sa prinsiyo ng “fruit of the poisonous tree” na nangangahulugan na anumang materyales na manipulated ay illegal din naman kung gagamitin sa ibang bagay.
Lalo din umanong malaki ang pananagutan ng mga opisyal kung ipinapakalat pa ang fake news o deepfakes dahil maraming follower ang mga ito na maaaring madamay sa mabilis na pagkalat ng maling impormasyon.
Payo ng DICT, mas maging maingat pa sana ang mga public figures upang hindi sila maging kasangkapan ng masamang motibo sa paggamit ng artificial intelligence.