-- Advertisements --

Nagparamdam si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanyang social media sa kabila ng kanyang kinaroroonan para bumati sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim noong Miyerkules, Mayo 27.

Sa kanyang social media post, sinabi ng senador:

“Nakikiisa tayo sa ating mga kapatid na Muslim sa pagdiriwang ng Eidl al-Adha (Feast of Sacrifice).”

Dagdag pa niya, “Despite the persecutions we face on every possible front, we hold fast to our faith: no sacrifice will be in vain. God sees us. God is with us.”

Matatandaang naging paksa sa Senado ang panukalang remote participation ng mga senador sa pamamagitan ng teleconference o videoconference, na iniuugnay ng ilang mambabatas sa sitwasyon ni Dela Rosa.

Ilang miyembro rin ng minority bloc ang nag-walkout pa nga sa plenaryo matapos kuwestiyunin ang umano’y madaliang pagbabago sa Senate rules, partikular sa usapin ng remote attendance at voting.

Samantala, nagsagawa na ng operasyon ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang subdivision sa Alabang kung saan umano’y natunton ang kinaroroonan ng senador.

Ayon sa mga ulat, ang naturang bahay ay pagmamay-ari umano ng tiyuhin ni Sen. Robin Padilla.

Sa kabila ng mga operasyon at isyu, nananatiling tikom ang senador sa mga detalye hinggil sa kanyang kinaroroonan at sa mga paratang na kinakaharap niya.