-- Advertisements --

CEBU CITY -Patuloy pa ngayong inaalam ng Cebu City Police Office (CCPO) kung may mga pending cases at warrant of arrest ang isang ‘self-confessed hitman’ kasunod ng pagka aresto nito sa anti-illegal drug operation noong Sabado, October 8, sa Brgy. Sambag 2 nitong lungsod ng Cebu.

Nakilala ang naaresto na si Ruel Dayap, alyas Noel 34 anyos at residente ng Balungag San Fernando Cebu.

Si Dayap ay isa umanong hitman na ginagamit ng mga drug personalities bilang courier.

Naaresto si Dayap kasama ang isang kinilalang Rosela Ansag, 42 anyos kung saan nakumpiska mula sa posisyon ng mga ito ang 10 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000 at isang .357 revolver.

Base sa nakalap na impormasyon ng Abellana police station, sangkot ang suspek sa gun-for-hire.

Inihayag ni Police Lieutenant Colonel Wilbert Parilla, deputy director for administration ng CCPO na inaalam nila kung may kaugnayan ba ito sa mga nakaraang insidente ng pamamaril nitong lungsod.

May ibinunyag na rin umano itong mga pangalan ngunit patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.

Nakatakda namang ipapadala sa crime laboratory ang nakumpiskang armas upang malaman kung magmatch ba sa mga naunang shooting incidents.