-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Natagpuan na ang isang security guard na inanod ng tubig-baha sa bayan ng Alamada, North Cotabato.

north cotabato guard floods

Ito ang kinumpirma ni Engr. Jeanne Pulmones, MDRRMO ng Alamada sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Engr. Pulmones ang biktima na si Ebrahim Sumlay, 46, at na security guard ng Hydro Power Plant sa Barangay Pigcawaran sa nabanggit na bayan.

Ayon kay Pulmones, inanod ng flash flood ang guard house ng Hydro Power Plant pasado alas-10:00 ng Lunes ng gabi dulot ng malakas na buhos ng ulan at kasamang inanod ang guwardiya.

Sa bahagi ng Polayagan-Mapurok Section sa Libungan River na natagpuan si Sumlay na sumabit sa damuhan sa gilid ng ilog.

Unang naiulat na tatlo ang guwardiyang inanod ng baha ngunit lumabas na buhay ang dalawa sa mga ito.

Maliban sa guwardiya may limang baka pa na namatay matapos na inanod din ng baha.

Samantala, nasa halos 200 pamilya ang epektado ng baha mula sa pitong barangays kabilang din ang ekta-ektaryang palayan na sinira ng kalamidad.