
Todo ngayon ang pasasalamat ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople sa Commission on Appointments (CA) sa mabilis na pag-apruba sa plenaryo ng kaniyang ad interim appointment.
Kahapon nang naging unanimous na inaprubahan ng Bicameral body ang ad interim appointment ni Ople.
Nagpahayag din ng kumpiyansa ang mga senador sa kakayahan at karanasan ng kalihim.
Sa opening statement ni Ople, sinabi nito na ang kaniyang kumpirmasyon ay nangangahulugan ng katatagan para sa Department of Migrant Workers (DMW).
Kasabay nito ang pagtiyak ng kalihim na gagabayan at poprotektahan ang mga overseas Filipino workers saan mang bansa sila naroon.
Dagdag pa ni Ople, ang kaniyang kumpirmasyon ay nangangahulugan din ng paninindigan sa rights-based approach sa overseas employment, isang policy track na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Matatandaang itinatag ang DMW sa bisa ng Republic Act No. 11641 na pinirmihan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong December 2021.










