-- Advertisements --

Naturukan na ng COVID-19 vaccine si Education Secretary Leonor Briones.

Sa Laging Handa public briefing kaninang tanghali, sinabi ni Briones, 80-anyos, na siya ay nabakunahan na kontra COVID-19 pero tumanggi namang magbigay ng iba pang detalye, tulad na lamang ng kung kailan siya naturukan nito at kung anong brand ang ginamit sa kanya.

Sinabi rin ni Briones na anumang brand na available sa ngayon sa Pilipinas ay kanya ring mairerekomenda.

Magugunita na Abril 2020 nang magpositibo sa COVID-19 si Briones, pangalawa sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinamaan ng naturang sakit.

Nauna nang sinabi ng DepEd na ang mga guro at iba pang mga school personnel ay maari nang tumanggap ng COVID-19 vaccines simula Hunyo.