-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagsisilbing inspirasyon sa ngayon ng mga Bicolano ang isang iskultor mula sa Tabaco City, Albay.

Ito’y matapos na makapasok sa prestihiyosong World Online Arts Championships.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dan Zaballa, labis ang kasiyahan nito lalo pa’t hindi lamang isa kundi dalawa sa kanyang mga obra na may titulong “Coronavirus” at “The Cement Wall Art” ang napabilang sa kompetisyon ng mga artist sa buong mundo sa gitna ng pandemya.

Malaking bagay aniya na mapasama ang kanyang mga obra at makatanggap ng pagkilala mula sa mga international artists.

Ayon kay Zaballa, paggawa ng landscape talaga ang kaniyang trabaho at taong 2019 lamang nang subukang umukit na agad namang nakahiligan.

Lalo pang napagtuunan ng pansin ang hilig sa pag-ukit nang pumutok ang coronavirus pandemic dahilan upang magkaroon ng mas mahabang panahon sa paggawa ng mga obra.

Sa ngayon, aktibo ito sa pagsali sa mga art competition at exhibit kung saan umaabot sa P40,000 ang natatanggap na offer sa pagbenta ng isa lamang na obra.

Mensahe ni Zaballa sa ibang aspiring artist, na huwag tumigil sa mga hilig at gamitin ang lahat ng mga oportunidad upang maging produktibo at makagawa ng kapaki-pakinabang na bagay sa kabila ng kinakaharap na pandemya.