Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng scholarship grants ang mga college students na nagnanais na kumuha ng kursong medesina.
Naniniwala si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, isa sa mga may-akda ng House Bill 6756, na ang panukalang ito ang sagot sa kakapusan ng mga doktor sa mga rural areas.
Kapag maging ganap na batas, magbubukas din aniya ito ng oportunidad para sa mga mahihirap pero deserving na mga estudyante para makapag-aral ng kursong medesina.
Sagot din aniya ito sa kakapusan ng mga physicians sa mga lugar na matinding timaan ng pandemya tulad ng COVID-19, gayong maaring hilingin sa mga scholarship receipients na magsilbi sa mga hotspots.
Sa ilalim ng panukala, ang isang aplikante para sa medical scholarship ay dapat Filipino citizen, graduate o pa-graduate pa lang sa isang prerequisite course para sa doctor of medecine degree.
Dapat na pumasa rin ito sa entrance examination at nakapag-comply ng mga requirements sa state o private college/university kung saan niya balak mag-enroll.
Kailangan din pasado ang aplikante sa national medical admission test score ng Commission on Higher Education at sa cut-off na required ng state/private school kung saan nito balak mag-aral.
Target ng panukala na makapagbigay ng scholarship ng kahit isa sa bawat bayan sa buong bansa.
Kung walang makapag-qualify dito sa isang partikular na bayan, maaring dalawa ang kuhaning scholar mula sa kalapit namang munisipalidad.
Inoobliga ng panukalang batas na ito ang isang graduate na magsilbi sa kanyang bayan sa loob ng apat na taon.
Sinumang tumanggi rito ay dapat na magbayad ng doble sa pamahalaan sa mga ginasatos nito para makuha ang kanyang degree.










