Oportunidad para sa mga out-of-school youth o kabataang hindi makapag-aral sa eskwelahan ang target ngayon ng panibagong inisyatibo ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo.
Ayon sa pangalawang pangulo, nakipag-partner ang kanyang opisina sa private institutions tulad ng Philippine Business for Education, USAID at McDonald’s para mabigyan ng trabaho ang nasa 400 out-of-school youth.
“Iyon iyong galing sa Office of the Vice President (OVP). So magbibigay tayo ng scholarships. Kapag sinabi, Ka Ely, na scholarships, libre iyong training, libre iyong allowance, pati iyong lahat na kailangan libre, para makakuha sila—ma-absorb sila ng mga companies after,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program nitong Linggo.
Ngayong araw ng Lunes nakatakdang ilabas ng OVP ang listahan ng mga oportunidad na magiging available sa mga interesadong kabataan.
Ang proyekto na ito ng opisina ng bise presidente ay bahagi ng BAYANIHANAPBUHAY initiative, na unang nagbukas ng online platform para sa job seekers at maliliit na negosyo.
“So ito pong iro-roll out natin bukas, karamihan sa partners natin, nasa Greater Manila Area. Kapag Greater Manila Area, lahat na LGUs dito sa Metro Manila, mayroong Bulacan, Pampanga, parang Laguna, Batangas.”
“Pero iyon pa lang. Pero naghahanap tayo ng partners na youth organizations, na matulungan tayong maghanap ng out-of-school youth na kailangan ng trabaho.”










