-- Advertisements --

Niyanig ng magnitude 6.5 na lindol ang Davao Occidental malapit sa karagatan ng Balut Island, Sarangani.

Sa Earthquake Information No. 1 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), sinabi nitong naitala ang pagyanig dakong alas-11:49 kagabi.

Matatagpuan ang epicenter ng lindol sa 104 kilometro ng Balut Island, Sarangani at may lalim na 10 kilometro.

Tectonic ang pinagmulan ng lindol kung saan naitala ang ang Instrumental Intensity V sa bayan ng Kiamba, Sarangani.

Samantala, Intensity IV ang naitala sa Malapatan, Maasim, at Maitum Sarangani, gayundin sa General Santos City, Tupi, at Tboli sa South Cotabato.

Instrumental Intensity III naman ang naramdaman sa Santa Maria, Davao Occidental; Malungon, Sarangani; at Santo Niño, South Cotabato.

Naitala rin ang Intensity II sa Roxas City sa Capiz; Magsaysay sa Davao del Sur; Banga, Tampakan, at Surallah sa South Cotabato; at Palimbang, Lebak, Kalamansig, at Bagumbayan sa Sultan Kudarat.

Habang Intensity I ang naitala sa Kidapawan City sa Cotabato; Digos City sa Davao del Sur; Norala sa South Cotabato; at Esperanza, Isulan, at President Quirino Sultan Kudarat.

Ayon sa Phivolcs, walang naiuulat na agarang pinsala dulot ng lindol. Gayunpaman, nagbabala ang ahensya na maaaring makaranas ng mga aftershock ang mga nabanggit na lugar.