May sapat umanong pondo ang gobyerno para sa pag-imprenta ng mga learning modules na gagamitin ng mga mag-aaral para sa School Year 2020-2021.
Ginawa ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pahayag sa kanyang virtual press briefing nang matanong kaugnay sa mga reports na ilang public schools sa mga lalawigan ay nanghihingi na ng donasyon para sa printing ng mga learning modules at iba pang teaching materials.
“Well naniniwala po ako na mayroong budget po para sa mga modules at kaya siguro humingi ng donasyon kasi medyo papalapit na iyong orihinal na pagbubukas ng pasok na beinte kuwatro sana ng Agosto,” ani Sec. Roque.
Naglaan ang Department of Education (DepEd) ng P9 billion para sa printing ng mga learning modules para sa darating na school year.
Inihayag ni Sec. Roque na dahil naatras sa Oktubre ang pagbubukas ng klase, mayroon ng sapat na panahon para ipaikot ng DepEd ang budget para sa modular learning.
















