CEBU – Nasa siyam na barangay kapitan sa Central Visayas ang kabilang sa 89 na punong barangay na sinuspinde ng Office of the Ombudsman.
Ito’y kaugnay sa umano’y maanomalyang pamamahagi ng first tranche sa Social Amelioration Program (SAP).
Batay sa Press Release Code No 2020-09-12-01 ng Department of the Interior and Local Government, inatasan ni Sec. Eduardo Año ang mga Municipal at City Mayors na ipapatupad ang suspension sa mga sangkot na opisyal.
Ang mga barangay officials sa Central Visayas na nakatakdang patawan ng 6-month preventive suspension ng Ombudsman ay tatlo mula sa Bohol; isa sa Negros Oriental; dalawa sa Cebu Province; dalawa mula sa Lungsod ng Mandaue at isa mula sa Cebu City.
Nahaharap sa naturang suspensyon si Barangay Basak San Nicolas Captain Norman Navarro na kung maaalala ay dati ring naging kontrobersyal.
Ito’y dahil sa nangyaring religious procession na humantong sa Sinulog Dance sa selebrasyon ng kapistahan sa isa sa mga sitio ng kanyang brgy noong gabi ng June 27 nitong taon.
Samantala, narito ang iba pa sa mga local officials na nahaharap sa suspensyon:
BOHOL
-Rodolfo Simbajon sa Barangay Guio-ang, Guindulman,
-Mario A. Lamanilao sa Barangay Calituban, Talibon,
-Eugene Zamora sa Barangay Taloto, Tagbilaran City
MANDAUE
-Patricio G. Soco sa Barangay Alang-Alang,
-Ignacio Cortes II of Barangay Centro
CEBU PROVINCE
-Ulysses Raganas sa Barangay Linao, Talisay City,
-Zosima P. Rojo sa Barangay Upper, Natimao-an, Carmen,
NEGROS ORIENTAL
-Mercedita S. Uy of Barangay Cancawas, San Jose.
Kaugnay nito, binigyang diin ni DILG undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na ito ang unang pagkakataon na ipinatupad ang mass suspension sa bansa.
Nasa 447 indibidwal ang pinakasuhan ng criminal case sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group sa ilalim ng kautusan na inilabas ng DILG.
Kaugnay ito sa paglabag nito sa Republic Act (RA) 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 11469 (Bayanihan Act I), RA 6713 (Code of Conduct of Government Officials and Employees) at iba pang paglabag kaugnay sa pamamahagi ng SAP.
Sa 447 suspek, 211 nito ang napag-alamang mga elected local at barangay officials, 104 appointed barangay officials at 132 ang mga sibilyan na kabilang sa itinuturong sangkot sa anomalya na kasalukuyang dinidinig sa iba’t ibang City at Provincial Prosecutors.










