Ipinahayag ng mga mahistrado ng Sandiganbayan Third Division ang pagkadismaya sa testimonya ni Department of Public Works and Highways (DPWH) NCR Director Gerard Opulencia sa kasong may kinalaman sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa pagdinig kaugnay ng bail hearing ni dating senador Ramon Revilla Jr., kinuwestyon ng korte ang kaalaman ni Opulencia sa “project commitments” o porsyento ng pera umano na natatanggap ng mga district engineer mula sa contractors.
Ayon sa testigo, siya umano ang nagdadala ng listahan ng mga proyekto sa dating DPWH official na si Roberto Bernardo, ngunit inamin niyang limitado ang kanyang kaalaman sa aktuwal na implementasyon ng mga transaksyon. Dahil dito, kinuwestyon ng mga mahistrado kung bakit siya itinuring na state witness.
Tinawag ng korte na tila “cherry-picking” ang kanyang testimonya, habang lumabas din sa pagdinig na nakatanggap umano siya ng P150 milyon na tinawag niyang “pasasalamat” mula sa mga contractor matapos ang mga proyekto.
Patuloy na iniimbestigahan ng korte ang umano’y daloy ng pondo sa flood control projects, habang kapwa prosecution at depensa ay naglatag ng matinding pagtutol sa ilang bahagi ng testimonya at affidavit ng mga sangkot. (Report by Bombo Jai)
















