Inabswelto ng Sandiganbayan ang dating regional director ng Department of Agriculture-Region IV sa graft charge na may kaugnayan sa umano’y unliquidated na halaga ng fertilizer fund na ibinigay sa rehiyon.
Sa 43 pahinang desisyon na inilabas noong Enero 13, pinawalang sala ng Anti-Graft Court Second Division si dating regional director Dennis Araullo dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa kabiguang ng prosekusyon na patunayang ang guilt beyond reasonable doubt.
Hindi raw napatunayan ng prosekusyon na patunayan ang existence ng corrupt intent, dishonest design at unethical interest.
Ipinag-utos rin ng korte na tanggalin na ang hold-departure order laban sa Araullo.
Nag-ugat ang kaso mula sa nationwide special audit na isinagawa ng mga state auditors sa P728 million Farm Inputs/ Farm Implements Program (FIFIP) fund na nasa ilalim ng Ginintuang Masaganang Ani Program ng Agriculture department.
Inakusahan si Araullo na nagkaroon ng epekto sa gobyerno ang unliquidated na halaga na P5.6 million na bahagi ng Farm Inputs/ Farm Implements Program na ibinigay sa Department of Agriculture sa Region IV.
Kinuwestiyon noon ng prosecution si Araullo sa paglilipat nito sa pondong walang paalam sa mga suppliers na mayroong kahina-hinalang pangalan at ang kabiguang gumawa ng nararapat na hakbang at precautions para mabantayan at ma-monitor ang disbursement ng pondo.
Sa panig naman ni Araullo, iginiit nito ang regularity sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin at mariing itinanggi na mayroong unliquidated fund dahil ang balanse raw mula sa Farm Inputs/ Farm Implements Program ay naibalik na sa Bureau of Treasury.
Sa bahagi naman ng Sandiganbayan, sinabi nitong hindi raw sila kumbinsido sa argumento ng prosekusyon.
Ito ay dahil daw sa kabiguan ng prosekusyon na patunayang mayroong malicious motive at intent si Araullo.