-- Advertisements --

Nagpaputok ng “warning shot” ang isang barkong pandigma ng Russia malapit sa isang yate na may bandila ng United Kingdom sa English Channel.

Nangyari ang insidenteng ito nitong Martes, Hunyo 16, 2026.

Ang frigate ng Russia na Admiral Grigorovich at ang UK-registered na yate na pinangalanang Bright Future ang mga sangkot sa naturang insidente.

Ayon sa Ministry of Defense ng Russia, gumawa umano ng “mapanganib na paglapit” ang yate patungo sa kanilang barko sa gitna ng makapal na hamog.

Matapos umanong hindi magbago ng kurso ang yate at lumapit sa distansyang kulang sa 500 talampakan, dito na nagpaputok ang commander ng Russian warship ng mga warning shot gamit ang maliliit na armas upang maiwasan ang banggaan.

Wala namang nasaktan sa mga lulan ng yate na mag-asawang British at walang natamong pinsala ang yate. Agad ding lumayo ang yate matapos ang mga putok.

Kinumpirma naman g Ministry of Defence (MoD) ng UK na nag-imbestiga sila sa naturang insidente. Ipinaliwanag nito na ang mga putok ay hindi direktang itinama sa yate kundi isang hudyat lamang upang maiwasan ang posibleng salpukan.

Samantala, bagamat itinuturing ng MoD na isang hiwalay na insidente ito, nagdulot ito ng pagkabahala dahil nangyari ito dalawang araw matapos harangin at hulihin ng militar ng UK ang isang oil tanker na bahagi ng “shadow fleet” ng Russia sa parehong rehiyon.