Matagumpay na inilunsad ng Russia ang tinawag nitong advanced intercontinental ballistic missile (ICBM) ilang linggo matapos na suspendihin ang partisipasiyon nito sa huling natitirang nuclear arms control pact sa Amerika.
Kinumpirma ng Russian defense ministry na matagumpay na nailunsad ng combat crew ang naturang missile ng isang mobile ground-based missile system mula sa kanilang Kapustin Yar test site.
Tinamaan ng missile training warhead ang isang mock target sa Sary-Shagan training ground o Republic od Kazakhstan.
Ang Intercontinental Ballistic Missiles o ICBMs ang itinuturing na deadliest missile sa buong mundo na karaniwang kayang magdala ng mahigit isa o multiple nuclear warhead at nuclear weapons.
Matatandaan na noong huling bahagi ng Pebrero, inanunsiyo ni Putin na sinuspende ng Moscow ang New START treaty kung saan sa ilalim nito nagkasundo ang Amerika at Russia na limitahan ang nuclear stockpiles at tumalima sa mutual inspections.
Subalit wala pang tatlong linggo, sinabi ni Putin na magpapadala sila ng tactical nuclear weapons sa karatig bansa at kaalyado nitong Belarus.
Simula din ng maglunsad ng tinawag ni Putin na special military operation sa Ukraine, nagbabala ang Russian leader na gagamit ito ng nuclear weapons sakaling malagay sa panganib ang kanilang bansa.