Pawang mga opisyal mula sa hanay ng oposisyon ang nakatakdang mangunguna bilang guest speaker sa graduation rites ng iba’t-ibang kolehiyo ng University of the Philippines (UP)-Diliman ngayong taon.
Batay sa ulat, ngayong araw naka-schedule na daluhan ni Vice Pres. Leni Robredo ang seremonya ng pagtatapos ng mga estudyante mula sa School of Statistics.
Habang bukas, June 28, ay si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales naman para sa School of Economics.
Bukod sa kanila, magsasalita rin bukas sa graduation rites ng School of Library and Information Studies si dating Otso Diretso candidate Samira Gutoc; samantalang si Atty. Chel Diokno ang speaker para sa pagtatapos ng College of Social Work and Community Development sa Linggo, June 30.
Dadalo rin si Supreme Court Senior Assoc. Justice Antonio Carpio sa Sabado, June 29, para naman sa recognition rites ng College of Social Sciences and Philosophy.
Highlight naman ng University Commencement Exercises sa Linggo si National Artist for Theater Amelia Lapeña-Bonifacio bilang commencement speaker.
“Tahanan” ang tema ng pagtatapos sa UP-Diliman para sa academic year 2018-2019.