Kung si Vice Pres. Leni Robredo raw ang tatanungin, sang-ayon siya sa mahigpit na pagpapatupad ng protocols sa ilalim ng community quarantine, maliban kung aabot na ito sa karahasan.
Tugon ito ng bise presidente sa gitna nang ilang naitala na violent incident sangkot ang mga nagpapatupad na opisyal, tulad ng pulis.
“Kapag tiningnan rin natin iyong karanasan sa ibang lugar sa buong mundo, talagang kailangan iistrikto iyong pag-implement ng community quarantine,” batay sa isang interview.
“Pero kailangan klaro sa understanding ng lahat bakit ba natin ito ginagawa: Ginagawa natin ito to save lives. So hindi siya kailangan humantong sa violence para lang i-enforce mo iyong gusto mong mangyari.”
Mungkahi ni VP Leni, alamin ng mabuti ng enforcers ang tungkulin na kanilang ginagampanan.
Pati na ang publiko na may responsibilidad ding sumunod at magbigay ng maayos na paliwanag sa otoridad.
“Iyong pag-aaresto kasi minsan, parang iyong effect nito mas grabe pa sa sinusubukan nating i-prevent.”
“Dapat mas maging compassionate, dapat may flexibility iyong lahat. Pero ako, nag-aagree ako na iyong enforcement kailangan maayos. Pero sana naman, sana hindi ito humantong sa karahasan.”