Makikipagtulungan ang Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) sa gobyerno sa pagbibigay at pagbili ng abot-kayang bigas para sa mga mamimili.
Sinabi ni PRISM lead convenor Rowena Sadicon na nakikipagtulungan sila ngayon sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) kung paano masusuportahan ng grupo ang Executive Order 39 na inilabas ni Pangulong Marcos.
Iniaatas ng EO ang presyo ng milled rice sa P41 at P45 para sa well-milled rice.
Ang parehong EO ay nagtatakda ng mga parusa para sa mga lalabag, kabilang ang mga pagkakakulong na hanggang 10 taon at multang hanggang P1 milyon.
Ani Sadicon, mayroon silang mga network ng mga retailer at ito ang kanilang minomonitor at sinisigurado na magkakaroon ng supply ng bigas.
Inamin ni Sadicon ang kahirapan sa pagsunod sa utos ng Pangulo at ipinaliwanag na ang kasalukuyang stock ng bigas ng mga retailer ay binili sa mas mataas na presyo.
Sinabi niya na ang pagsunod ay dapat na pagkatapos ng ani sa mga darating na linggo ngunit dahil ang EO ay nagkaroon na ng bisa noong Setyembre 5, wala silang magagawa kundi sumunod.
Pinayuhan din ni Sadicon ang publiko na ipaalam sa kanila ang hindi pagsunod ng mga retailer para sa tamang aksyon at parusang maaaring ipataw.